PINARANGALAN ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang 17 Local Government Units sa MIMAROPA ng Seal of Good Local Governance (SGLG) na kabilang sa mga pinakamagagaling sa buong Pilipinas dahil sa tapat at mahusay na pamamahala.
Sa kanyang welcome remarks, binati ni DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” C. Remulla ang lahat ng LGUs na nagpakita ng katapatan at kahusayan sa pamamahala para makapaghatid ng dekalidad na serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
“You’re the best local chief executives because you are the reciepients of the SGLG,” puri ni Sec. Remulla.
Tumanggap ng nasabing prestihiyosong parangal ang 714 exceptional local government units na binubuo ng 41 probinsya, 96 lungsod, at 577 munisipyo.
Sa MIMAROPA region, ang 17 LGUs na 2024 SGLG Awardees ay kinabibilangan ng Torrijos, Marinduque; Provincial Government of Occidental Mindoro; Abra De Ilog, Occidental Mindoro; Lubang, Occidental Mindoro; Sablayan, Occidental Mindoro; Nuajan, Oriental Mindoro; Narra, Palawan, Rizal, Palawan; Banton, Romblon; Calatrava, Romblon; Looc, Romblon; Magdiwang, Romblon; Romblon, Romblon; San Agustin, Romblon; San Fernando, Romblon; San Fernando, Romblon, San Jose, Romblon; at Santa Fe, Romblon.
Sa taong 2024, tumaas ng 45 porsiyento ang bilang ng mga awardees kumpara sa nakalipas na taong 2023 na may 493 LGUs na kung saan nasa 135 LGUs ang mga bagong awardees.
Ang mga awardees ay tatanggap ng SGLG Incentive Fund Package for 2024 na may kabuuang P980,281,000.00 na kung saan tatanggap ang mga probinsya ng tag-tatlong milyong piso (P3,000,000.00); tag-dalawang milyong piso (P2,000,000.00) sa bawat lungsod; at bawat isang munisipyo ay tatanggap naman ng P1,153,000.00.
Ang Seal of Good Local Governance ay isang pagbibigay parangal na programa ng DILG na layuning kilalanin at bigyang insentibo ang mga LGUs dahil sa kahanga-hangang pamamahala sa iba’t ibang aspeto. Ilan sa mga ito ay transparency and accountability para sa wastong paggamit ng public funds, disaster preparedness, kalusugan, peace and order, at proyektong pangkaunlaran.