Sa kabuuang 186 district engineering offices ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong Pilipinas, lumapag sa ika-anim na puwesto ang DPWH Palawan 3rd Engineering District pagdating sa project accomplishments.
Ngayong taong 2024, ang naturang distrito ay mayroong kabuuang 55 proyekto kung saan 50 rito ay natapos na.
Ayon kay Officer-In-Charge Engr. Darius J. San Diego ng Construction Section, nakakuha ng 96.21% project accomplishment ang DPWH Palawan 3rd Engineering District.
“[Mayroon] din po [kasing] mga targets ang central office with [regard] po [roon] sa disbursement.
Gusto lang namin ipaalam na ang ating distrito, ang Palawan 3rd District ay nasa number 6 out of 186 district engineering nationwide. Tayo po ay nasa number 6th place with [regard] sa project accomplishment,” ani San Diego.
Aniya, ang naiiwan pang 4 na proyekto ay target din maisakatuparan bago magtapos ang taong kasalukuyan.
“Baka po ma-100 complete namin ang disbursement wala na hong maging problema sa project this year,” dagdag pa ng opisyal.
Noong calendar year 2023, nakakuha rin ang kanilang distrito ng 96.07 percent project accomplishment. Ayon pa kay San Diego, malaking adbentahe ang pagkakaroon ng responsableng kontraktor dahil mabilis na natatapos ang proyekto.