Photo courtesy | DTI

Nagsimula nang mag-monitor sa mga itinitindang paputok sa iba’t ibang establisyemento ng lalawigan nitong araw ng Lunes, Disyembre 9, ang tanggapan ng Department of Trade and Industry (DTI) Palawan.

Dalawang establisyemento ang nabisita ng ahensya nitong unang araw ng kanilang monitoring activity sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Sinimulan na rin ng ahensya kahapon ang pagtungo sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan ng Palawan upang magsagawa ng inspection activity.

Ayon kay DTI-Trade and Industry Development Specialist Welson T. Paz, sinisiguro ng kanilang tanggapan na ang bawat paputok na ibinibenta sa lalawigan ay dumaan sa DTI-Bureau of Product Standards (DTI-BPS) upang matiyak na ligtas dahil kabilang ito sa mga tinatawag na mandatory products.

Aniya, upang masiguro na dumaan ang mga ito sa tamang proseso, tinitingnan nila kung may marka o sticker ng Product Standard (PS) o Import Commodity Clearance (ICC) ang mga produkto, lalo na kung ang mga ito ay galing sa ibang bansa.

Nagpaalala naman ang DTI sa lahat ng nagbabalak bumili ng paputok ngayong nalalapit na pasko at bagong taon na suriin at tangkilikin lamang ang mga paputok na may marka ng PS o ICC upang matiyak ang kaligtasan.

Kung sakaling makakita ng hindi sertipikadong paputok, agad itong ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan.

Magpapatuloy ang nasabing monitoring ng ahensya hanggang sa Enero 1, taong 2025.

Samantala, mayroon na ring mga nasita ang ahensya na mga nagtitinda ng paputok na walang marka o sticker. Kasalukuyan na rin silang nakikipag-ugnayan sa mga retailer ng paputok upang maimbestigahan ang mga ito.

Author