Photo courtesy | BAN Toxics Group

PUERTO PRINCESA — Inilunsad ng environmental justice group na BAN Toxics ang taunang kampanya nito na “Iwas Paputok” na isinabay sa pagdiriwang ng awareness activity na ginanap sa Barangay Payatas sa Quezon City, kamakailan.

Dinaluhan ito ng humigit-kumulang dalawanlibong (2,000) partisipante na kinabibilangan ng mga mag-aaral, guro, at mga magulang mula sa Payatas B Elementary School, mga residente ng barangay at lokal na opisyal, at mga kinatawan mula sa Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP).

Ang mga mag-aaral mula sa bawat baitang ng Payatas B Elementary School ay nagpakita ng zero-plastic, eco-friendly na mga parol na ginawa mula sa mga biodegradable na materyales tulad ng abaca, dahon mula sa iba’t ibang halaman at puno, balat ng itlog, cartolina paper, iba’t ibang buto, at hibla ng niyog, at iba pa.

Ang mga nakilahok ay nag-rally para ipanawagan ang “Iwas Paputok, Iwas Disgrasya, Iwas Polusyon (Iwasan ang Paputok, Iwasan ang Aksidente, Iwasan ang Polusyon)” na isinagawa dahil sa nalalapit na Pasko at Bagong Taon.

Ayon sa nabanggit na grupo, layunin ng aktibidad na pigilan ang mga fireworks-related injuries (FWRI) at isulong ang eco-friendly na pagdiriwang sa pamamagitan ng kahalintulad na kaganapan.

Ang aktibidad, na kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day, ay nagsulong din ng panawagan na protektahan ang karapatan ng mga bata sa kalusugan at ligtas na kapaligiran.

“Let us be reminded this Human Rights Day that our children have the right to be safeguarded from exposure to environmental risks,” said BAN Toxics Executive Director Reynaldo San Juan Jr.

Batay sa datos ng Department of Health (DOH) Online National Electronic Injury Surveillance System (ONEISS), patuloy umanong tumataas ang fireworks-related injuries na tumaas mula 123 noong 2020 hanggang 189 noong 2021, 307 noong 2022, at 609 noong 2023; isang 50% spike sa pagitan ng 2022 at 2023 lamang.

Nabatid din ng grupo kamakailan ang patuloy na pagbebenta ng mga ipinagbabawal na paputok ng mga street vendor sa Divisoria. Ang Five Star ay ibinebenta sa halagang ₱120 bawat pack, habang ang Piccolo at Pla-pla ay nasa pagitan ng ₱180 at ₱200 bawat pakete.

Sa layuning pigilan ang pagbebenta nito, naglabas ang Philippine National Police ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok noong nakaraang taon, na kinabibilangan ng Watusi, Poppop, Five Star, Pla-pla, Piccolo, Giant Bawang, Goodbye Bading, Goodbye Philippines, Atomic Bomb, Super Lolo , Hello Colombia, Judas’ Belt, Giant Whistle Bomb, Atomic Triangle, Mother Rocket, Goodbye De Lima, Goodbye Napoles, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox Star, Kabasi, at Hamas.

“Beyond the injuries these firecrackers cause, they also pose serious health risks, especially to children who are particularly vulnerable,” ayon kay Thony Dizon, BAN Toxics Campaign and Advocacy Officer.

Ang mga kemikal na makikita sa mga paputok ay kinabibilangan ng cadmium, lead, chromium, aluminum, magnesium, nitrates, nitrites, phosphates, sulfates, carbon monoxide, copper, manganese dioxide, potassium, sodium, zinc, nitrogen oxides, at sulfur.

Anila, ang pagkaka-expose sa mga nakakapinsalang sangkap na ito ay maaaring magresulta sa pinsala sa parehong mga nervous at respiratory system.

Bukod sa pagtataguyod ng kaligtasan, binigyang-diin din ng aktibidad ang kahalagahan ng eco-friendly na pagdiriwang upang mapangalagaan ang kapaligiran.

Ang Payatas B Elementary School ay kapartner ng BAN Toxics sa ilalim ng Toxics-Free Schools Program (TFSP), na nagtataguyod ng wastong paghawak at pamamahala ng mga nakakalason na kemikal at basura sa mga paaralan, tahanan, at komunidad.

Ayon kay San Juan Jr., magpapatuloy ang pagsisikap ng BAN Toxics na subaybayan ang iligal na pagbebenta ng mga paputok at ipaalam ang mga panganib na dulot nito sa komunidad lalo na ngayong nalalapit na kapaskuhan.