Photo courtesy | Provincial Health Palawan
PUERTO PRINCESA — Binigyang pagkilala ang animnapung (60) Oplan Kalusugan (OK) sa DepEd – Healthy Learning Institutions Pilot Implementing Elementary Schools sa lalawigan ng Palawan nitong Disyembre 14, taong kasalukuyan.
Sa kaganapan, binigyang-pansin ang Health Promotion Framework Strategy, Healthy Learning Institution, Healthy Learning Institutions Accomplishment Report, at Ways Forward na bahagi ng Program Implementation Review ng Kagawaran ng Kalusugan sa pamamagitan ng Provincial Health Office.
Layunin ng OK sa DepEd – HLI na itinataguyod ng Department of Health at Department of Education na makapagbigay-suporta sa pagpapataas ng antas ng edukasyon at kalusugan ng mga estudyante at school personnel sa pamamagitan ng technical and financial assistance nito.
Katuwang ng mga nabanggit na ahensya ang Provincial Department of Health Office (PDOHO) Palawan sa pamamagitan ng Health Promotion Unit (HPU) ng PHO at Schools Division Office (SDO) Palawan.
Ayon sa tanggapan ng Provincial Health Palawan, mayroong kabuuang 60 elementary pilot schools na binubuo ng 30 last mile at 30 non-last mile elementarya sa iba’t ibang munisipyo sa lalawigan ang kasalukuyang nasa ilalim ng Oplan Kalusugan sa DepEd Program.
Itinanghal na Best Pilot Implementing Last Mile School ang Maragoc Elementary School, Best Pilot Implementing Non-Last Mile Elementary School ang Pancol Elementary School, Best Practices for HLI Last Mile Elementary School ang Nanabu Indigenous Peoples Elementary School, habang nagwagi naman ang Guadalupe Elementary School ng Best Practices for HLI Non-Last Mile Elementary School.
Ang apat na paaralan ay tumanggap ng tag-P25,000.00 habang tag-P2,500.00 naman ang ipinagkaloob sa mga hindi pinalad na nagwagi.
Ang Healthy Learning Institutions o HLI bilang mga institusyong pang-edukasyon ay daan sa programang nagsusulong sa kalusugan at kagalingan ng mga mag-aaral at mga guro ng bawat paaralan sa buong bansa. Liban dito, patuloy ring pinalalakas ang layuning pataasin ang kapasidad ng mga batang mag-aaral para sa maayos na pamumuhay, pag-aaral, at pagtatrabaho.