Photo courtesy | City Tourism Department
Sentro ng kasiyahan ang mga kilalang atraksyon ng Puerto Princesa sa pamamasyal ng higit-kumulang 2,018 pasahero na sakay ng MV Norwegian Spirit sa unang pagkakataon nitong dumaong sa lungsod kahapon, Sabado, Disyembre 14.
Pinasyalan ng mga turista ang isa sa unique destination sa mundo ang Puerto Princesa Underground River (PPUR) na isang UNESCO) World Heritage Site at isa sa New 7 Wonders of Nature, na itinuturing isa sa longest navigable subterranean river sa buong mundo. Ang ilog na ito ay dumadaloy sa loob ng limestone cave ng humigit -kumulang 8.2 kilometro (5.1 milya) at naaakses sa pamamagitan ng bangka ng humigit-kumulang 4.3 kilometro (2.7 milya) mula sa dagat.
Nasaksihan din ng mga turista ang kagandahan ng mga isla at malinaw na tubig-dagat ng Honda Bay. Hindi rin pinalampas na bisitahin ang World War II Museum, isang lugar na puno ng kasaysayan at mga artifact mula sa panahon ng digmaan.
Kabilang sa pinasyalan ang tanyag na Baker’s Hill dahil sa masasarap na homemade baked goods at ang Plaza Cuartel na isang makasaysayang parke na nag-iwan ng marka sa kasaysayan ng lungsod.
Naglibot din ang ilang turista sa wet market at mga souvenir shops para bumili ng mga lokal na delicacies, prutas at mga handmade na produkto.
Tiniyak din ng mga kapulisan ng lungsod ang seguridad ng mga turista sa bawat lokasyon na kanilang pinasyalan na malaking tulong para maging maayos at maging puno ng masasayang alaala at bagong karanasan ang isang buong araw nilang pamamasyal sa lungsod nitong ika-14 ng Disyembre, taong kasalukuyan.