Photo courtesy | City Tourism Office
Umabot sa kabuuang 627,905 international at domestic tourists ang dumating sa lungsod ng Puerto Princesa ngayong taong 2024, batay sa datos ng City Tourism Department.
Malugod na ibinahagi ng tanggapan nitong Disyembre 9 na itinuturing na tumaas ang tourist arrivals ngayong taon kumpara sa mga nakalipas na taon pagtapos ng pandemya.
Mula naman sa nasabing kabuuang bilang, nasa 457,000 ang bilang ng domestic tourists na naitalang bumisita sa lungsod.
Pumasok naman sa listahan ng City Tourism na top 10 tourist countries ang mga bansang America, France, Canada, Germany, Spain, Australia, United Kingdom, Italy, Netherlands, at China.
Samantala, patuloy naman pinagsusumikapan ng Pamahalaang Panglungsod na mas marami pang turista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang maengganyong pumasyal at bumalik muli sa Puerto Princesa.
Katunayan, kabilang sa pinaplano ni Mayor Lucilo R. Bayron ang pagkakaroon ng expansion sa Puerto Princesa International Airport (PPIA) upang mas maraming turista pa ang ma-accommodate. Ang naturang Paliparan ay kasalukuyang mayroong nasa tinatayang 20 arrival flights kada araw.
Hindi rin tumitigil ang lokal na Pamahalaan sa pag-develop ng iba’t ibang klase ng turismo na maiaalok para sa mga bisita na kung saan mula sa eco-tourism ay lalong pinalalakas ngayon ang MICE (Meetings, Incentives, Conference, and Exhibits) tourism, Sports tourism, at Cruise ship tourism.
Kabilang pa rito ang patuloy na paglikha ng mga bagong atraksyon na kagigiliwan ng mga turista gaya ng bagong man-made attraction na screaming zipline na kasalukuyang tinatapos sa Balayong People’s Park. Tampok sa pitong ektaryang parke ang endemic Balayong Tree kasama ang iba pang public amusement facilities na interactive water fountains, children’s learning pod, water pod, amphitheater, view deck and watch tower, at senior citizen and children’s park.