Matagumpay na naisakatuparan ang Organic Agriculture Congress nitong araw ng Biyernes, Disyembre 13, na ginanap sa kapitolyo na layuning mapaunlad ang organic farming sa lalawigan ng Palawan.
Nilahukan ito ng humigit-kumulang 120 na mga organic practitioners at mga miyembro ng Provincial Guarantee System (PGS) group na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan na inorganisa ng Pamahalaang Panlalawigan sa pakikipagtulungan ng Provincial Agriculture Office (PAgO).
Ayon kay Dr. Romeo M. Cabungcal, Provincial Agriculturist, layunin ng aktibidad na tipunin at pagkaisahin ang lahat ng mga organic practitioners sa lalawigan upang mabigyan ng mas malawak na kaalaman sa organikong pamamaraan ng pagsasaka.
“It emphasises the importance of participatory guarantee systems in organic certification and accreditation of small organic associations and how our very own PGS group in Palawan has progressed as an accredited organic certifying body.
In behalf of PGP through the able leadership of our Gobernador Socrates, nagpapasalamat po ako sa inyong lahat na walang sawang sumusuporta sa pagpapalakas at pagpapatibay ng agrikultura sa Palawan,” ani Dr. Cabungcal.
Nagkaroon din ng product presentation ang ilang PGS group at farmers association kasama ang ilang magsasaka sa Aborlan, Quezon, San Vicente at lungsod ng Puerto Princesa.
Nagkaloob din ng Certificate of Accreditation sa mga munisipyo ng Aborlan at Quezon bilang PGS organic certifying body sa lalawigan sa pamamagitan ng Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS).
Maituturing naman na Sustainable Land Management (SLM) ang organikong pagsasaka na makatutulong upang maiwasan at mabawasan ang pagkasira ng mga lupang sakahan at mapanatili ang maayos at tubo ng mga panamin, pagkakaroon ng mas mataas na ani at mababang gastusin sa pagsasaka.