Photo courtesy |

Repetek News

Hindi na maglalagay ang Deparment of Public Works and Highways o DPWH ng solar road stud sa mga national highway na sakop ng ikatlong distrito sa lalawigan ng Palawan.

Ang solar road stud o maliliit na ilaw na nakalapat sa kalsada ay isang safety measures ng national highway.

Ayon kay Chief Maintenance Section Engr. Albino Socrates ng DPWH Palawan 3rd District, sila ay unang naglagay nito sa bahagi ng Junction 1 hanggang Mateo Jagmis Memorial Elementary School sa barangay San Miguel.

Aniya, inilalagay nila ang mga solar road stud sa mga bahagi ng national highway na wala pang streetlight.

“Kung mapapansin po natin pagpapunta sa West Coast may mga kalsada na napakadilim dahil wala pang ilaw. Ang mga proyekto ng DPWH ay para masagot ang mga ganu’ng problema. Naglalagay po ng mga solar stud para alam ng sasakyan na hanggang dito lang sila at hindi tumawid sa ibang kalsada,” pahayag ni Socrates.

Ngunit ang proyektong ito ay ipinahinto ng DPWH matapos mag-isyu ng department order na ipagbawal ang pag-install ng mga solar road stud.

Ayon kay Officer-In-Charge Engr. Darius J. San Diego, ipinatigil ang pag-program ng solar road stud sa mga national highway dahil napansin ng ahensya na masyadong mahal ang presyo ng bawat piraso nito.

Aniya, kung dati ang presyo nito ay P4,000 kada piraso ngayon umaabot na umano sa P8,000.

Kaugnay nito, nagkaroon ng panukala ang DPWH na sa halip maglagay ng solar stud ay palitan na lamang ito ng mga streetlight at asphalt overlay.

“Ang susundin po namin ngayon kung mapapansin niyo sa mga project namin ngayon tulad ng katatapos lang na asphalt overlay ang nilagay ulit namin ay pavement markings pero ‘yong project po namin sa bandang Iwahig is [mayroon] na pong mga solar streetlight ‘yun kaya ang nilagay namin ay thermoplastic pavement markings kasi magkakaroon ng double compensation with regards sa road safety. So hopefully maituluy-tuloy yung sa streetlight or asphalt overlay”.