Photo courtesy | PCG
Patunay na ramdam ang init at saya ng kapaskuhan kahit sa karagatan matapos mamahagi ng mga regalo ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga kababayan nating mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Hindi lamang sa lupa nararamdaman ang diwa ng pasko kundi maging sa malawak na karagatan din, lalo na sa isinagawang makataong misyon ng PCG na nagbigay ng kaligayahan at pag-asa sa mga mangingisdang Pilipino sa Sabina Shoal at Rozul Reef, Palawan.
Sakay ng mga barkong BRP Melchora Aquino (MRRV-9702) at BRP Cape Engano (4411) ang mga tauhan ng PCG nang tumungo ang mga ito sa mga mangingsida upang maghatid ng dalawampung sako ng mga pagkaing regalo sa bawat bangkang pangisda.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng kanilang regular na maritime patrols na naglalayong mapanatili ang kaligtasan at seguridad sa West Philippine Sea (WPS).
Nagsilbing inspirasyon at pag-asa ang pagkalingang ipinadama ng mga tauhan ng PCG para sa mga Palawenyong mangingisda na madalas ay nahaharap sa mga suliranin sa gitna ng pakikipagsapalaran sa karagatan.