Photo courtesy | Palawan Provincial DRRM Office
Lumagda sa Memorandum of Agreement o MOA ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Lokal na Pamahalaan ng Brooke’s Point nitong araw ng Lunes, Disyembre 16, na layuning palakasin at panatilihin ang diwa ng bolunterismo sa nabanggit na bayan.
Isinusulong din ng kasunduan na lalong tumibay ang pundasyon ng mas mabilis na pagbangon sa panahon ng kalamidad.
Layunin din nito na lalong palakasin ang kooperasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan, mga organisasyon, at pribadong sektor hinggil sa agarang aksyon o pagtugon sa panahon ng sakuna.
Nakiisa sa nasabing signing ceremony sina Mayor Ceasareo Benedito Jr, Jeremias Y. Alili ng Brooke’s Point PDRRMO, mga miyembro ng Rural-based Organization, mga pribadong sektor, Civil Society Groups, at service providers.
Inaasahang mas magiging mabilis at epektibo ang implementasyon ng mga programa at proyektong pangkalamidad dahil sa pagkakaisa ng mga organisasyon at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan sa pamamagitan ng PDRRMO.