Inaprubahan na ng Sangguniang Panlungsod ang Supplemental Budget para sa Service Recognition Incentive (SRI) at Gratuity Pay ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Puerto Princesa.
Ang Supplemental Budget na isinumite ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na nagkakahalaga ng P52,920,000 milyon ay inaprubahan ng City Council sa kanilang special session nitong araw ng Miyerkules, Disyembre 18, 2024.
Sa pakikipag-ugnayan ng Repetek kay City Councilor Jonjie Rodriguez, hepe ng komite ng appropriations, sa kabuuang mahigit ‘52 milyong piso ay P26,920,000 milyon dito ay nakalaan para sa SRI at P26,000,000 milyon naman ang Gratuity Pay.
Ani Rodriguez, makakatanggap ng P20,000 na SRI ang nasa 1,346 officials at regular employees ng city government habang ang 5,200 kwalipikadong job order at contract of service ay pagkakalooban naman ng P5,000 na gratuity pay kabilang na rito ang mga
city paid community volunteer health workers at social workers sa mga barangay.
Binigyang-diin ni Rodriguez, maipagkakaloob ang SRI at Gratuity Pay sa mga empleyado bago magtapos ang buwan ng Disyembre kung agarang maisusumite ng bawat opisina ang mga hinihinging dokumento para rito.
“The ordinance for the supplemental budget was approved last Tuesday for 1st and 2nd reading and approved for 3rd and final reading kahapon (Wednesday).
Inaasahan po na matanggap ‘yan bago po matapos ang buwan basta masa-submit po ang required papers on time ‘yung respective offices,” pahayag pa ng Konsehal.