Photo courtesy | AFP

Simula Disyembre 3 hanggang ika-14, naghatid ng mga noche buena packages ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mga tropang nakatalaga sa Philippine-occupied features sa West Philippine Sea (WPS).

Pinangunahan ng Western Command ang transportasyon upang maihatid ang mahahalagang kagamitan bilang suporta sa buhay at mga probisyon ng pagpapanatili sa mga tropang nakatalaga sa malalayong mga outpost sa nabanggit na isla.

Ayon sa detalye, bahagi ng layunin ng AFP na tiyakin ang kapakanan ng mga tauhan nito lalo na ang mga nakatalaga sa malalayo at kritikal na mga lokasyon.

“The AFP remains steadfast in carrying out its mandate in full accordance with international law and the rules-based international order,” ani AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr.

“Likewise, we will not forget the sacrifices of our troops deployed in these remote stations, far from their family, this Christmas season. They are our inspiration,” dagdag ng opisyal.

Ayon sa AFP, higit nitong binibigyang-diin ang kanilang dedikasyon pagdating sa pagprotekta sa maritime domain ng bansa at pagtataguyod ng soberanya ng Pilipinas at mga karapatan sa soberanya.

Samantala, dama naman ng mga tropa ang maagang pamaskong handog na ito para sa kanila sa kabila ng kanilang trabaho at malayo sa mga minamahal sa buhay.