PUERTO PRINCESA—Isang senior citizen ang natiklo ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) sa Purok Imelda ng Barangay Sta. Monica ng lungsod ng Puerto Princesa nitong Martes, ika-7 ng Enero, taong kasalukuyan.

Kalaboso ang 68-taong gulang na lalaki na nakalista bilang Street-Level Individual (SLI) sa iligal na droga na kinilalang si alyas “Rene” na inaresto matapos umanong magbenta ng isang pirasong paketeng naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ang P2,100 sa isang poseur-buyer sa isinagawang drug-buy bust operation.

Ayon sa impormasyon ng awtoridad, nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 0.64 na gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, at iba pang kaugnay na paraphernalia.

Ang lolo ay nasa kustodiya na ng pulisya habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, naging matagumpay ang ikinasang operasyon sa pamamagitan ng pinagsamang pwersa ng Puerto Princesa City Police Station 2, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Palawan, PNP-Drug Enforcement Group 4B, Regional Police Drug Enforcement Unit, at PPC-Anti-Crime Task Force.

Author