Photo courtesy | Municipal Government of Cagayancillo

Minarkahan nitong nakalipas na Biyernes, Enero 10, ang isang makabuluhang okasyon para sa Munisipyo ng Cagayancillo habang ipinagmamalaking idinaos ang kauna-unahang Guso Festival.

Itinatampok sa kaganapan ang mahalagang papel ng seaweed sa lokal na kultura, ekonomiya, at hanapbuhay ng bayan.

Nagsimula ang pagdiriwang sa pamamagitan ng misa sa Atanasio A. Tapalla Recreation Center na sinundan ng isang masiglang parada ng mga kinatawan ng nasyunal at lokal na ahensya gayundin ng mga magsasaka ng seaweed.

Ang pormal na programa ay nagsimula sa isang panalangin na sinundan ng iba’t ibang mensahe mula sa mga lokal na lider kung saan binigyang-diin ang mahalagang papel ng seaweed sa pagtataguyod ng napapanatiling agrikultura, pagsuporta sa pag-unlad ng ekonomiya, at pagprotekta sa kapaligiran.

Tampok sa nasabing aktibidad ang fireworks display at community disco na nagdala ng saya at pagkakaisa sa mga nakiisang mamamayan.

Ang makasaysayang kaganapang ito ay naging posible sa pangunguna nina Municipal Mayor Engr. Sergio S. Tapalla at Vice Mayor Lourdes C. Lanoy kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan, SK Federation, mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, mga kapitan, opisyal ng Barangay, at mga kawani ng buong Local Government Unit.

Ayon sa lokal na Pamahalaan ng Cagayacillo, ang Guso Festival ay hindi lamang isang pagdiriwang; nagsisilbi itong plataporma upang kilalanin ang kahalagahan ng kultura at ekonomiya ng seaweed habang tinuturuan ang publiko tungkol sa mga pakinabang nito sa kapaligiran.