Photo courtesy | Palawan PPO

PUERTO PRINCESA—Walang kaalam-alam ang mag-asawa na ang katransaksyon pala nila’y isang pulis na nagkunwaring poseur buyer sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Matangkay, Barangay Oring-Oring sa bayan ng Brooke’s Point, Palawan.

Ayon sa impormasyon ng pulisya, ang suspek na kinilalang si Adam Palampisi, na kasalukuyang pinaghahanap, ay nakatakas matapos malaman na pulis ang kaniyang katransaksyon.

Sa operasyon, ang asawa ni Adam na si Nurna Jaukul Palampisi, 41-taong gulang, at isang empleyado ng gobyerno, ay naaresto matapos magbenta umano sa isang pulis na nagpanggap na poseur buyer ng dalawang piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P8,500.00.

Sa tulong ng impormante, naisagawa ang buy-bust bandang 12:45pm nitong ika-9 ng Enero, taong kasalukuyan, sa pinagsanib na puwersa ng Palawan Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) kasama ang mga tauhan ng Brooke’s Point Municipal Police Station (MPS).

Narekober mula kay Nurna ang iba’t ibang Identification Cards, mga resibo, cellphone, pitaka, mga pera, pocketknife, at iba pang gamit. Mula naman sa Toyota Surf na ginamit ng mga suspek ay nakuha ang sling bag na may dalawang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 28.58 gramo at may street value na P194,344.00.

Kasalukuyan naman nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek para sa tamang disposisyon. Patuloy naman ang hot pursuit operation laban kay Adam Palampisi para sa kanyang posibleng pagkakaaresto.

Author