Iminungkahi sa plenaryo ni Palawan 2nd District Board Member Al-Nashier M. Ibba ang pagkakaroon ng budget allocation sa Sangguniang Kabataan (SK) Sports and Youth Development Programs sa bawat munisipyo ng lalawigan nitong Enero 7, taong kasalukuyan.
Inihain ni Ibba ang Resolution No. 09-25-A na humihiling sa bawat alkalde ng dalawampu’t tatlong (23) munisipyo sa Palawan “to allocate budgetary support for the SK Sports and Youth Development Programs” bilang pagpapalakas sa mga programang may kinalaman sa pag-unlad ng kapakanan ng mga kabataang Palaweño.
“Kasi napapansin natin, wala talaga o hindi talaga naisasama ‘yung program ng mga SK natin pagdating sa Local Government Unit (LGU). Mayroong [pailan-ilan] na mga munisipyo pero karamihan talaga [sa mga] LGU ay [walang budgetary support],” ani Ibba.
Dagdag pa ng bokal, naka-address ang kaniyang resolusyon sa lahat ng mga alkalde sa lalawigan at nananawagan na ma-consider ang kaniyang mungkahi na maglaan ng pondo para sa mga programa ng Sangguniang Kabataan kada munisipyo.
“Inaasahan natin na maaprubahan ‘yung proposed resolution natin at sinasama natin ‘yung mga kasamahan natin sa southern Palawan sa Ikalawang Distrito kasama ‘yong 3rd District na co-author,” dagdag pa ng bokal.
Bagay na sinang-ayunan ni Sangguniang Kabataan Federation President Luzviminda L. Bautista.
“Bilang miyembro o representative ng Kabataang Palawan, lubos kong sinusuportahan ang resolution na ito dahil malaki ang maitutulong nito sa mga kabataan. Naniniwala ako na ang paglalaan ng dagdag na pondo para mga programa ng Sangguniang Kabataan ay isang magandang wisyo na magbubunga ng positibong pagbabago sa ating mga kabataan. Nais ko rin po maging co-author ng resolution ng ating kasamahang Board Member Al Ibba,” saad ni Bautista.