PUERTO PRINCESA — Agarang inilikas ang mga residente matapos mabilis na tumaas ang baha sa ilang lugar sa Sofronio Española, Palawan, dahil sa nararanasang easterlies.
Batay sa huling weather forecast ng DOST-PAGASA nitong ika-13 ng Enero, taong kasalukuyan, ang mga makakapal na kaulapan sa katimogang bahagi ng lalawigan ng Palawan ay epekto ng easterlies o hanging nanggagaling sa karagatang pasipiko.
Agad nagsilikas ang mga residente sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga lokal na inibidwal at mabilis na pagresponde ng mga tauhan ng Coast Guard Station South Central Palawan (CGS SCP), Command Outpost (COP) Española, Coast Guard Special Operations Unit-Palawan (CGSOU-PAL), Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Española, at Philippine National Police (PNP).
Binuhat ng mga rumesponde ang mga bata habang dahan-dahang sinusuong ang baha na umaabot hanggang tuhod. Isinakay sa truck ang mga residente kasama ang kanilang ilang nabitbit na mga gamit at dinala sa ligtas na lugar.
Hinihikayat naman ang lahat na manatiling mapagbantay at unahin ang kaligtasan habang nagpapatuloy ang nararanasang pagbaha.
Samantala, mararanasan ang 12-hour rainfall na posibleng maapektuhan ang mga ilog, at iba pang daluyan ng tubig sa Abongan, Lian, Barbakan, Rizal, Caramay, Langogan, Babuyan, Bacungan, Iwahig Penal, Inagawan, Aborlan, Malatgao, Apurawan, Bato-Bato, Aramaywan, Iwahig, Panitian, Pulot, Lamakan, Kinlugan, Iraan, Tiga Plan, Malabangan, Bansang, Conduaga, Culasian, Iwahig (Brooke’s Point) Okayan, Canipaan, at Busanga, Coron.