PUERTO PRINCSA CITY—Ipinangako ng Philippine National Police (PNP) MIMAROPA na pananatilihin ang zero election-related incidents sa rehiyon para sa matiwasay na 2025 National and Local Elections (NLE) at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections.
Ang pangako ay muling pinagtibay ni Police Brigadier Roger L. Quesada, Regional Director, na nilalayong ipagpatuloy ang naging tagumpay noong 2022 NLE na walang naiulat na election-related incidents sa Rehiyon 4B, batay sa Regional Investigation and Detective Management Division.
Dahil dito, mas paiigtingin ang mga estratehiya ng kapulisan laban sa lahat ng uri ng kriminalidad.
Bilang pagpapatuloy ng tagumpay na ito, nagsagawa si PBGEN Quesada ng sabayang inspeksyon ng mga COMELEC checkpoint nitong ika-12 ng Enero, taong kasalukuyan, kaugnay sa ipinatupad na nationwide gun ban para sa seguridad ng halalan.
Alinsunod naman sa COMELEC Resolution No. 11067, sinuspende ng kapulisan ang bisa ng Permits to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) na nililimitahan ang pagdadala ng mga baril sa mga on-duty, unipormadong pulis, at militar.
Muling pinapaalalahanan ang mga may-ari ng baril na may mabigat na parusa ang paglabag sa gun ban kabilang ang pagkakakulong, diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong opisina o pagboto, at permanenteng pagbawi ng lisensya sa baril.