Photo courtesy | Repetek Team

PUERTO PRINCESA CITY—Naging panauhin sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlungsod kaninang umaga, Enero 13, ang Koberwitz 1924 Inc., para ipakilala ang dry toilet, isang “environmentally caring and sustainable compost toilet system”.

Ayon sa Humanure Handbook, ang dry toilet ay kilala rin sa tawag na sawdust toilet kung saan ito ay ginagamitan lamang ng balde, removable toilet seat, at kusot o pinagtistisan ng kahoy.

Sa panayam ng midya kay Dra. Grace Zozobrado-Hahn, ang proseso sa paggawa ng dry toilet ay gagawa lamang ng butas sa lupa na paglalagyan ng balde kung saan dudumi ang tao. Ito ay mayroong takip na gawa sa kahoy para hindi mapasukan ng mga insekto gaya ng langaw.

Aniya, pagkatapos dumumi ng tao, ito ay kailangan lagyan o tabunan ng kusot para hindi maglabas nang hindi kaaya-ayang amoy.

At kapag napuno na ang balde ay ibubuhos naman ang laman nito sa isang toilet processing facility na gawa sa patung-patong na bato, graba at uling.

“Sa ibang lugar, kunwari namatay ang isang hayop, doon na lang nila nilalagay— it is so effective na kayang mag-decompose n’un pagkaraan ng ilang panahon depende sa environmental conditions.

Sa atin, dahil tropical country tayo mabilis then ang lumalabas ay super galing na compost na pwede mo talagang ilagay sa gulay. Kami wala kaming balak na gawin ‘yun, balak lang namin ay gamitin ang compost na magiging resulta n’u sa mga puno,” pahayag nito.

Aniya, sa paghuhugas naman sa halip na gumamit ng tubig, toilet paper ang kanilang ginagamit dahil hindi ito pwedeng mabasa ng tubig.

Bilang alternatibo sa toilet paper, naghahanap din ang kanilang grupo ng halaman o dahon na maaaring gamitin.

“So [mayroon] ka talagang balde na ready ng sawdust. Kami humihingi lang [ng kusot]. It’s a waste material. Ibinibigay lang nila ‘yun, natutuwa pa nga sila nababawasan ang tambak nila sa tistisan. Importante hindi siya pwedeng matubig,” dagdag pa nito.

Ipinagmalaki naman ni Dra. Hahn na ang kanilang inisyatibo ay ginamit na rin sa Tingloy, Batangas.

“Environment conscious initiative kaya gumaya sila and they’re very happy. In fact, ‘yung Coast Guard pa nga ang nandu’n kasama nila nu’ng opening ng kanilang project,” aniya pa.

Aminado naman si Architect Rowel A. Quipquip Jr., na ang dry toilet ay hindi para sa lahat kaya’t hinihikayat lamang nila na gumamit nito ang mga lugar na walang sapat na tubig.

“It may not be for everybody and most likely na mag-a-avail talaga nito ay may mga farm, mga environmental conscious, those who are environmentally caring,” ayon sa Arkitekto.

Paglilinaw nito, hindi anila pino-promote na palitan ang tradisyunal na comfort room pero binigyang-diin nito na kung iresponsable ang pagkakagawa ng septic tank nagreresulta ito ng kontaminasyon ng tubig.

“Kung iko-compare natin ang effectivity niya, at saka, ‘yung kanyang non-contaminating aspect mas effective po siya kasi sa ground surface lang po siya.

Ang point ko po kung i-practice man po ng iilan o despite it’s discomfort but then it’s effectivity is so great na dapat po talaga mai-promote especially sa mga tao na they want na okay lang kasi syempre it is inconvenient but at least it works.

In fact, ang pinaka-the best pa rin ay sewage treatment system kaya lang sa mga lugar talaga na mayroong applicability gaya ng farm site o people who are very environmental conscious it really works. Old as it is but then it proves itself worth to be back in the limelight,” paliwanag nito sa lokal na midya.