Photo courtesy | PPO-PALAWAN

Tiklo sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPO) ang tatlong indibidwal matapos mahulihan ng iligal na droga.

Ayon sa impormasyon, pinangunahan ng Narra Municipal Police Station (MPS) ang operasyon sa ilalim ng pamamahala ni Police Major Thirz Starky B. Timbancaya sa pakikipagtulungan din ng Palawan Police Drug Enforcement Unit (PDEU), Provincial Intelligence Unit (PIU)- Palawan PPO, at Philippine Drug Enfrocement Agency (PDEA) 4B.

Ang mahusay na isinagawang operasyon ng awtoridad ay nagresulta sa matagumpay na pagkakadakip sa tatlong drug personalities at nakumpiska ang tinatayang nasa 12.88 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga naman ng nasa P77,880.00.

Isinagawa ang buy-bust operation sa Muslim Road, Barangay Antipuluan sa bayan ng Narra, Palawan nitong ika-14 ng Enero, taong kasalukuyan.

Agad naman dinala ang mga nahuling drug suspek at mga nakuhang ebidensya sa istasyon ng pulisya para sa tamang disposisyon.

Samantala, muling pinatunayan ng Palawan PPO sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Joel Dalisay Casupanan, Provincial Director, ang kanilang dedikasyon sa pagsugpo sa iligal na droga.

Patuloy palalakasin ang kampanya kontra iligal na droga upang masiguro ang kaligtasan ng pamayanan sa pamamagitan ng mga operasyon na kanilang isinasagawa.

Author