Photo courtesy | FB/Jojo Gastanes and Starky Zelensky

IKINADISMAYA ni Mayor Gerandy B. Danao ang pagbabalik muli ni Police Major Thirz Starky Timbancaya bilang Hepe ng Pulisya sa bayan ng Narra.

Sa ipinadalang listahan sa kanya ng National Police Commission (NAPOLCOM), pinili ni Mayor Danao ang tatlong buwan pa lang umano na dating Officer-in-Charge sa bayan ng Narra na si Police Major Michael Von L. Nagbisit, na taga-Narra rin.

Kabilang din sa limang pangalang pagpipilian sina PMaj. Rex Vilches, PMaj. Raffy Eperida, PMaj. Bermar Herrera, at PMaj. Timbancaya.

Subalit, tinuran ni Mayor Danao na ayaw nito kay PMaj Timbancaya at naniniwalang hindi umano dumaan sa tamang proseso ang pagkaka-assign muli ni PMaj Timbancaya gayong hindi ito ang kanyang pinili para maging hepe ng pulisya sa kanilang bayan.

Maghahanap naman ang alkalde ng iba pang paraan para kanyang iapela ito dahil ‘di umano ito dumaan sa tamang proseso.

Samantala, dumepensa naman sa isang media interview si PMaj. Timbancaya laban sa mga maaanghang na tirada ng kampo ni Mayor Danao.

“Nandito ako sa Narra, Palawan because of station order. Hindi po ako pabida-bida. Ginusto ko. Pinili ko ang Narra. I never asked it. I never requested it. Hindi ko ito ipinakiusap. Ako po ay pulis. Pulis po ninyo ako, at kung ako man ay mayroong order from higher office ay susunod ako,” depensa ni PMaj. Timbancaya.

Sa kanya namang halos isang oras na Facebook live, bagama’t walang pinangalanan si PMaj. Timbancaya ay bumirada naman ito sa tila palaging pagiging pa-victim ng kabilang kampo.

“Pa-victim kayo. Sobra-sobra na kayo tapos kapag pinalagan kayo ipapahiya [ninyo] kung saan-saan, huwag niyong gawin sa akin ‘yun… huwag kang paawa.”

Author