Sinampolan ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang isang British national na hinuli dahil sa pagdadala ng airsoft guns ng walang kaukulang permit.
Batay sa police report, naaresto ang isang 27-taong gulang na British national, negosyante, at residente ng barangay Sicsican.
Ang pagkakaaresto sa naturang indibidwal ay kaugnay sa pagpapaigting na gun ban ngayong election period.
Muling nagpaalala ang kapulisan sa publiko na mahigpit na tumalima sa gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) kabilang ang pagbabawal sa mga replika ng baril tulad ng airsoft guns, habang umiiral ang panahon ng halalan.
Kaugnay nito, nakitaan ang British national ng paglabag sa COMELEC Resolution No. 11067 Seksyon 49, 50, at 51, na naiulat sa Sandoval Street, Barangay Mabuhay ng lungsod ng Puerto Princesa nitong ika-17 ng Enero, taong kasalukuyan.
Nakatanggap ng ulat ang pulisya mula sa isang concerned citizen patungkol sa isang dayuhang may mga dalang baril. Matapos beripikahin, nakumpirma na ang inidbidwal ay may dalang airsoft guns ngunit walang maipakitang kinakailangang dokumento.
Dahil dito, agad inaresto ang indibidwal dahil sa paglabag sa gun ban ng COMELEC at dinala sa istasyon ng pulisya para sa tamang disposisyon.