Natiklo sa isinagawang operasyon ng awtoridad ang isang senior citizen na mangingisda at residente ng barangay Tinitian sa bayan ng Araceli, Palawan, kamakailan.
Base sa impormasyon ng pulisya, kinilala ang 65-taong gulang na indibidwal na nakalistang Rank No.8 Most Wanted Person (Provincial Level) dahil sa kinahaharap na kaso.
Ang mahusay na operasyon na ikinasa ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPO) na pinangunahan ng mga tauhan ng Araceli Municipal Police Station (MPS) ay nagresulta sa pagkakahuli sa nasabing wanted na naaresto sa bisa ng warrant of arrest na inilabas at nilagdaan ni Presiding Judge Emmanuel Q. Artazo, Regional Trial Court, Branch 14FC, Taytay, Palawan na inisyu noong Nobyembre 12, 2024.
Ang suspek ay kasama sa mga pinaka-wanted sa probinsya na nahaharap sa dalawang kaso ng Sexual Assault o paglabag sa Section 5(B) ng Republic Act 7610, na may inirekomendang piyansa na nagkakahalaga ng P120, 000.00 bawat isa.
Ang naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng istasyon ng pulisya ng Araceli para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.
Samantala, patuloy nagsusumikap ang Palawan PPO sa ilalim ng panumuno ni Police Colonel Joel Dalisay Casupanan, Provincial Director, para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa probinsya sa pamamagitan ng kanilang dedikasyon at mahuhusay na estratehiya upang mahuli ang mga taong may pananagutan sa batas.