Photo courtesy | Puerto Princesa City Tourism

Magdedebelop ng mga karagdagang atraksyon partikular sa bahaging poblacion ng lungsod ang lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa.

Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, maliban sa mga sikat na pasyalan tulad ng Puerto Princesa Underground River (PPUR), mainam din ang pagdaragdag pa ng mga bagong destinasyon para lalong mahikayat ang mga turista na magtungo sa siyudad.

“Our direction is [to] established more destination near poblacion kasi ‘yung mga cruise ship passengers, ‘yung iba kaya na-attract dito kasi pumupunta sa underground river ‘yung iba eh para lang mamasyal sa bayan dahil malayo ang underground river.

Kailangan natin ng more destinations na puwede nilang puntahan maybe [roon] sa Balayong People’s Park magawa nating destination lalo na kung namumulaklak na ang Balayong trees,” ang naging pahayag ng alkalde.

Kaugnay nito, plano ng city government na maglagay ng light and sound show sa tatlong magkakaibang lugar: Edward S. Hagedorn Coliseum, Balayong People’s Park, at City Baywalk.

“Itong year na ito magkakaroon ng light and sound show sa facade ng City Coliseum. Titignan natin kung magiging maganda ito, gagawin din natin doon sa Balayong People’s Park kung puwede rin siguro gagawa rin tayo [r]oon sa Baywalk.

Maliban dito, idedebelop din ang Acacia Tree Tunnel at pagpapalakas ng “nightlife economy” para maengganyo ang mga cruise ship na sa gabi mag-dock sa siyudad.

“Kung vibrant ang ating night time economy ang ating cruise ship port ay 500 meters p’wede sigurong mag-park doon hanggang sampu, hanggang kinse, benteng cruiseship. Biro mo kung 2,000 ang bawat isa hanggang umaga ang ating night time economy marami silang iiwanang pera [r]ito sa atin, sa economy natin habang gumagastos sila at gumu-good time sila,” pahayag pa ni Bayron.