BUMUNGAD sa mga turistang sakay ng cruise ship na MV Seabourn Encore ang isang pusa na nakasuot ng uniporme ng City Tourism Department ng Pamahalang Panglungsod.
Kamakailan, dumaong sa Puerto Princesa Port ang nasabing cruise ship lulan ang 574 pasahero at 403 na crew nitong ika-28 n Enero, taong kasalukuyan.
Spotted ang isang pusa na nakabihis din ng uniporme ng City Tourism Department na nakiisa sa pagsalubong sa mga dumating na mga banyagang pasahero na namasyal sa iba’t ibang atraksyon sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa kanyang maliit na kulay maroon na uniporme, nagkaroon naman ng unique experience ang mga banyagang pasahero dahil sa espesyal na pag-welcome ni miming na nagbigay ngiti sa kanilang pagdating.
Samantala, marami na ngayong mga lugar na empleyado na rin sa ilang mga establisyemento ang mga alagang aso’t pusa na pinaniniwalaang nagdadala ng dagdag kasiyahan at magandang karanasan sa kanilang mga kliyente.
Ang mga police dogs na kilala rin bilang K9 units na tumutulong sa mga kapulisan sa iba’t ibang uri ng operasyon tulad ng paghahanap at mag-detect ng mga iligal na droga at mga pampasabog.
Nagbibigay naman ng emotional support at companionship ang mga therapy dogs sa ilang ospital, nursing homes, at mga paaralan na nakatutulong mapababa ang stress at nakatutulong sa mental health.
Ilang establisyemento naman ang mayroong greeter pets na sumasalubong sa mga turista na nagdaragdag ng kakaibang elemento sa karanasan ng mga kliyente at nagpapakita ng mainit na pagtanggap.
Bukod sa kakaibang aliw na naibibigay sa mga kliyente ng mga alagang hayop, naipapakita rin ang kahalagahan ng human-animal bond at kung paano ito maaaring maging bahagi ng modernong workplace.
Dahil turismo ang pangunahing industriya ng lungsod, si miming na ba ang bagong mukha ng industriya ng turismo ng Puerto Princesa na magbibigay ng karagdagang aliw sa karanasan ng mga turista?