NAKUMPISKA ng Philippine National Police (PNP) MIMAROPA ang 146.98 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng isang milyong piso sa unang dalawampu’t siyam (29) na araw ng taong 2025.
Base sa impormasyon ng kapulisan, nasa kabuuang 35 katao ang naaresto sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operation ng mga kapulisan ng rehiyon.
Sa inilabas na datos ng PNP Drug-Related Data Integration and Generation System (DRDIGS) ng Regional Operations Division, nasa 31 operasyon ang matagumpay na naisagawa ng mga kapulisan sa rehiyon mula Enero 4 hanggang 29, taong kasalukuyan.
Taong 2024, nakapagtala ng 475 na pag-aresto at pagkumpiska ng 15,391.57 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P101.6 milyon.
Mas mataas ito kumpara sa 339 operasyon, 388 pag-aresto, at 2,041.86 gramo ng iligal na droga na nagkakahalaga ng P8.57 milyon noog 2023.
Samantala, isa sa pinakahuling operasyon ang nagresulta sa pagkakadakip kay alyas “Volter”, 56-taong gulang na pinaghihinalaang street-level drug dealer, sa Purok Pagkakaisa 2, Barangay Panacan 1, Narra, Palawan, nitong ika-29 ng Enero, taong kasalukuyan.
Nasabat ng awtoridad mula sa pangangalaga ng naturang drug personality ang 7.73 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P35,000.00 kasama ang buy-bust money at mga drug paraphernalia.
Samantala, pananatilihin naman ng mga kapulisan sa rehiyon ang mahusay na operational strategies, pagpapalawak ng intelligence-driven operations, at pagpapatibay ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya.