Photo courtesy | Ironman 70.3

Apatnapung (40) bansa ang kumpirmadong magpapadala ng mga atleta para sa nalalapit na Ironman 70.3 sa lungsod ng Puerto Princesa sa susunod na buwan.

Kabilang sa mga bansang ito ang Australia, Belgium, Brazil, Canada, China, Egypt, France, Guam, Hongkong, Indonesia, Italy, Japan, Korea, Malaysia, New Zealand, Pakistan, at marami pang iba.

Ang triathlon race ay gaganapin sa ika-2 ng Marso, taong kasalukuyan, alinsabay sa pagdiriwang ng Balayong Festival.

Ayon kay General Manager Princess Galura ng Sunrise Events Inc., naiiba ang Ironman 70.3 ngayong taon dahil ito ay magiging New Race Central. Ibig sabihin, ang lahat ng aktibidad ay mangyayari na lamang sa iisang lugar—sa City Baywalk.

“Lahat ng activities natin ngayon from start, transition, finish line, food park lahat nilagay namin sa Baywalk— including the Princesa Run ‘yan ang ibig sabihin ng New Race Central.

Sa ngayon, one transition para pati ‘yung mga nanonood, spectators, mga [taumbayan] hindi na rin sila palipat-lipat nandoon na rin ‘yung pagkain, toilet, lahat ng cheering naka-centralize na sa Baywalk,” pahayag ni Galura.

Ang endurance race na ito ay kinapapalooban ng 1.9 kilometrong paglangoy, 90 kilometrong pagbibisekleta, at 21 kilometrong pagtakbo.

Sa ibinahaging datos ni Galura, mayroon nang 450 registrants para sa Ironman nitong buwan ng Enero.