Photo courtesy | ACTF

SUNTUKAN ng mga estudyanteng kabataan ang nadatnan ng mga tauhan ng City Anti-Crime Task Force sa bahagi ng City fish port pasado alas-singko ng hapon, Huwebes, Pebrero 6.

Ayon sa security personnel, nagkaroon umano ng hamunan sa online chat na kung saan naging venue ng gulo ang bahagi ng city fish port sa Barangay Matahimik.

“Sa’ting pag-imbestiga, lumalabas nagkaroon ng hamunan sa group chat at ang venue ay fish port ng Brgy. Matahimik. Buong akala nila ay walang ibang tutulong pero nang magkagulo ay dumami ang nakalaban ng mga ito,” pahayag ng tropa.

Naabutan naman sa lugar ang mga binatilyong nag-eedad 14-anyos na residente ng Barangay Sicsican, sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ayon sa tropa, nagtamo ng maliliit na sugat ang ilan sa apat na indibidwal habang nagsipulasan naman ang iba pang estudyanteng sangkot sa gulo.

Samantala, na-hold ng tropa ang apat na binatilyo na dinala naman sa Police Station 1 Mendoza para sa tamang disposisyon.

Author