Mahigit isandaang libong (100,000) lagda ang nakolekta ng Palawan Ecumenical Fellowship (PEF), isang koalisyon ng 10 simbahang Kristiyano, bilang suporta sa pagsusulong ng 25-taong mining moratorium sa lalawigan.
Ayon sa Catholic Bishops’ Conference in the Philippines (CBCP), ang petisyon na isinumite kay Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona ay nagsusulong na protektahan ang kapaligiran ng isla at kabuhayan ng mga residente.
“Considering the detrimental effects of mining on the livelihoods of local farmers, fishermen, and indigenous peoples, let’s give nature a rest,” ani Bishop Mesiona.
Inihayag naman ng mga kaparian ang kanilang pagkabahala sa lumalaking bilang ng mga mining applications sa lalawigan na ngayon ay kinabibilangan ng higit sa 67 mga aplikasyon na sumasaklaw sa higit sa 200,000 ektarya.
Nanawagan ang mga obispo ng moratorium sa pag-apruba ng anumang aplikasyon at pagpapalawak ng pagmimina. Isinusulong din ang “no-go zone” sa mga lugar na sensitibo sa ekolohiya.
Sa kasalukuyan, may 11 aktibong mining operations sa Palawan na sumasaklaw sa humigit-kumulang 29,430 ektarya.
Matatandaan, noong huling bahagi ng Nobyembre 2024, naglabas din ng pastoral letter ang mga obispo sa Palawan na nananawagan ng agarang pagtigil sa pagpapalawak ng mga aktibidad ng pagmimina sa probinsiya.
Ang liham na ito ay nilagdaan nina Mesiona, Bishop Broderick Pabillo ng Taytay, at retiradong Bishop Edgardo Juanich.
Kamakailan, tinalakay ang usapin sa pamamagitan ng isang Committee Hearing sa Sangguniang Panlalawigan nitong Pebrero 4, kung saan dinaluhan ng mga representate mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Environmental Legal Assistance Center (ELAC), Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO), Department of the Interior and Local Government (DILG), Provincial Administrator Atty. Jethro Palayon, Department of Trade and Industry (DTI), RTN, CBNC, Catholic Priest, at mga katutubo.