Ni Vivian R. Bautista
ALAM niyo ba na ang North Sentinel Island ay isa sa Andaman Islands, isang Indian archipelago sa Bay of Bengal na kinabibilangan din ng South Sentinel Island?
Ito ay tahanan ng mga Sentinelese, isang katutubong tao na boluntaryong inihihiwalay ang kanilang tribu mula sa mga tagalabas o sa ibang taong hindi nila kauri, kaya’t karaniwan nilang ipinagtatanggol ang kanilang tribu o sarili sa pamamagitan ng puwersa mula sa mga taong nagnanais na pumasok sa kanilang lugar na nasasakupan.
Ang nasabing isla ay tahanan ng Sentinelese, isang katutubong tao na walang kontak sa labas ng kanilang mundo.
Sila ay naninirahan sa sarili nilang maliit na kagubatan na isla na tinatawag na North Sentinel na halos kasinlaki ng Manhattan.
Ang mga Sentinelese ay walang alam tungkol sa mga nangyayari mula sa labas, hindi rin sila nakararanas ng bakuna simula’t sapul kaya’t madali silang kapitan ng iba’t ibang uri ng nakahahawang sakit na maaaring magresulta sa kamatayan.
Bukod dito, mayroon na ring ilang pagkakataon na kung saan ay marahas nilang inaatake ang mga taong gustong bumisita sa kanilang isla.
Patuloy nilang nilalabanan ang lahat ng nagtatangkang makipag-ugnayan o manghimasok na tagalabas kaya’t agad nilang inaatake ang sinumang lalapit.
Ipinagbabawal din ng bansang India ang mga mamamayan nito na bumisita sa North Sentinel Island o pagtatangka na makipag-ugnayan sa mga taong nakatira doon.
Ang pagpasok o pagpunta sa loob ng tatlong (3) milya ng isla ay itinuturing na ilegal o mahigpit na ipinagbabawal.
Ang mga taga-Sentinelese ay kilala rin sa pamamagitan ng kanilang karahasan at ayaw ng mga ito na makipag-ugnayan mula sa mga tagalabas.
Dahil sa kawalan ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga taga-Sentinelese at sa iba pang bahagi ng mundo, wala umanong nakakaalam kung anong uri ng wika ang kanilang ginagamit.
Ang mga Sentinelese ay mangangaso o hunter at gatherer, malimit nilang ginagamit ang kanilang mga palaso upang manghuli ng mga wildlife sa lupa at higit pang mga panimulang pamamaraan upang mahuli ang mga lokal na lamang-dagat gaya ng mud crab at molluscan shell.
Pinaniniwalaan silang kumakain ng maraming mollusc, dahil sa kasaganaan ng mga inihaw ng shell na matatagpuan sa kanilang mga pamayanan.
Sila ay pinaniniwalaang nanirahan sa kanilang isla sa loob ng 60,000 taon.
Karamihan sa mga tribo sa Andaman, kabilang ang Sentinelese, ay tinatawag na animista. Sinasamba nila ang kalikasan.
Ayon sa Survival International, isang pandaigdigang kilusan para sa mga karapatan ng mga mamamayan ng tribo, ang mga Sentinelese ay pinaniniwalaang nanirahan sa North Sentinel na isla ng Andaman nang halos 60,000 taon.
Ang mahiwagang isla na ito ay kadalasang nakakaakit ng interes ng mga manlalakbay, ito na marahil ang pinakamahirap bisitahing lugar sa mundo.