PUERTO PRINCESA—Inilapit ng Social Security System ang kanilang SSS e-Wheels sa serbisyo publiko fair sa bayan ng Bataraza nitong ika-61 founding anniversary ng nabanggit na bayan.
Ginanap ang aktibidad nitong Enero 27 na layuning makapaghatid ng serbisyo publiko sa mga mamamayan sa malalayong bahagi ng lalawigan Palawan.
Umabot sa 117 transaksiyon ng 98 members at non-members ang naserbisyuhan ng programa.
“Our main goal is to bring SSS services closer to last mile communities like here in Bataraza town, which is four to five hours away from Puerto Princesa City. We are committed to go an extra mile in delivering essential government services to our current and future members and pensioners,” pahayag ni SSS Puerto Princessa Branch Head Abdultalib Abirin.
Inilatag ng ahensiya ang kanilang My.SSS registration, pagbuo ng Payment Reference Number (PRN) para sa pagbabayad ng kontribusyon at pautang, pag-verify ng mga talaan ng kontribusyon, at pag-update ng personal na impormasyon.
“We also encourage them to register on the My.SSS Portal so they can easily access their SSS records and submit their benefit and loan applications without the need to visit an SSS branch office,” dagdag ng opisyal.
Bahagi ng pension fund ang e-Wheels program bilang hakbang sa pagpapalawig ng membership ng SSS na kasalukuyang nasa humigit-kumulang 41 milyon. Gayunpaman, kalahati lamang o humigit-kumulang 20 milyon ang aktibong nag-aambag sa pondo ng pensiyon.
Ayon sa ahensya, sa susunod na limang taon, target ng SSS na itaas ang membership nito sa 56 milyon.