PUERTO PRINCESA CITY—Matagumpay ang pagbubukas ng Sulubaai Environmental Foundation sa kanilang bagong Marine Research Center sa Barangay Sandoval, Bayan ng Taytay, Palawan, nitong nakalipas na Pebrero 7.
Pinangunahan nina Gobernador Dennis M. Socrates, Taytay Mayor Christian Rodriguez, President of Sulubaai Environmental Foundation Frederic Tardieu, Blancpain brand representative Gael Nicolle, at French Republic Ambassador Marie Fontanel ang nasabing seremonyas.
Nakiisa rin sa kaganapan ang mga kinatawan ng Palawan State University (PalSu), Western Philippines University (WPU), Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Provincial Information Office (PIO), Municipal Council ng Taytay, at ilang lokal midya.
Layunin ng Marine Research Center na magbigay suporta sa mga lokal at internasyonal na mananaliksik sa larangan ng pangangalaga ng karagatan.
Dahil dito, naniniwala naman si French Republic Ambassador Marie Fontanel na maaaring magkaroon ng magandang samahan ang bansang France at Pilipinas pagdating sa pangangalaga at pagprotekta sa karagatan.
“We have a shared responsibility, there are solutions. Solutions exist through partnership and innovation,” ani Fontanel.
Samantala, nais din ng bansang France na magkaloob ng sapat na kaalaman ang mga kabataan at pagsasanay upang maging susunod na tagapangalaga ng kanilang pinuprotektahang likas na yaman, pakikipagtulungan sa mga siyentipiko at eksperto upang higit na maunawaan at maprotektahan ang marine ecosystem.