PASSABLE nang muli ang Magbabadil Bridge II sa bayan ng Aborlan gayundin ang Mainit at Ipilan Spillway sa bayan ng Brooke’s Point matapos masira ng pagbaha dahil sa malakas na ulan dulot ng shear line, kamakailan.
Ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo, maaari nang madaanan ng light vehicles ang mga nabanggit na ilang imprastruktura na naisaayos na ng Pamahalaang Panlalawigan.
Nanguna sa pagsasaayos ng mga nasabing imprastruktura ang Provincial Engineering Office (PEO) sa pakikipagtulungan ng Provincial Equipment Pool Office (PEPO) ng Pamahalaang Panlalawigan katuwang ang lokal na pamahalaan at barangay sa nasabing mga lugar.
Accessible na para sa mga light vehicles ang Mainit at Ipilan Spillway sa bayan ng Brooke’s Point matapos ang isinagawang clearing at temporary repair sa mga ito.
Patuloy naman ang pagsasaayos ng mga nasirang mga daan sa mga nabanggit na lugar kabilang dito ang Magbabadil Bridge III sa bayan ng Aborlan.
Malaking ginhawa ito para sa mga mamamayan lalo na sa mga residente ng nasabing mga lugar ang pagsasaayos ng mga nasirang imprastruktura para makatawid gayundin ang tuluy-tuloy na serbisyo para sa paghahatid ng mga pangunahing pangangailangan ng mga nakatira malapit sa mga ito.
Matatandaan, binaha ang iba’t ibang bahagi ng lalawigan dahil sa shear line na kung saan nagkaroon ng pagkakahati ng malamig at mainit na hangin. Ang pagsasalubong ng mga ito ay naging sanhi ng malakas na pag-ulan.