PUERTO PRINCESA — PINALAGAN ng ilang mga katutubo ang usapin ukol sa 25 year ban ng pagmimina sa lalawigan ng Palawan dahil hindi umano ito dumaan sa konsultasyon.
Nitong Pebrero 19, nagpatawag ng press conference sa isang hotel sa Lungsod ng Puerto Princesa ang ilang representante ng Ipilan Nickel Corporation (INC) at Berong Nickel Corporation (BNC) kasama ang mga katutubong pabor sa pagmimina na mula sa mga bayan ng Narra, Brooke’s Point, at Quezon.
Ayon kay Ginoong Alex Arabis, Resident Manager ng Ipilan Nickel Corp. (INC), oras na umano upang marinig ang kanilang panig ukol sa usapin ng pagmimina at sa kahilingan na rin ng mga stakeholders ng kanilang kumpanya dahil sa mga nakikita nitong iba’t ibang post sa social media patungkol sa pagkakaroon ng mining moratorium.
“Narinig na rin naman natin ‘yung Regional Director ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) kahit sabihin mo na it will not affect the existing mining operating sa southern Palawan, mayroon din kaming mga apprehensions na somehow baka baguhin na naman na pagkatapos magkaroon ng moratorium for new applications baka kasi ang napapansin talaga namin the purpose [is] really to ban the mining operation in then entire Province of Palawan,” ani Arabis.
“Sa ngayon pa lang pinapakita namin na hindi kami pabor as far as Ipilan Nickel is concerned, tingin ko ganoon din naman ang posisyon ng mga leaders ng different sectors na hindi sila pabor na isulong ‘yong ganoong resolusyon o ordinansa na magkaroon ng 25 year moratorium, ” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ni Arabis sa harap ng mga midya ng Palawan ang ukol sa negatibong hatid sa kanilang minahan kung sakaling maitutuloy ang pagpasa ng nasabing moratorium.
“Sa totoo lang, ‘yung nagiging main reasons ng mga investors natin who are interested to invest into a processing plant in Palawan na medyo nagba-back-off sila dahil hindi ma-rerealize iyong kanilang projected return of processing plant ay hindi ganoon kabilis ‘yon, it takes 5 to 10 years.
Kung alam mong 3-6 years ‘yung bagong restrictions na hindi pwedeng magmina nakatengga ‘yung pera mo, so ‘yon ang problem”, saad pa ni Arabis.
Binigyang-diin din niya na kapag ginastusan ng milyon ang isang processing plant gayong may polisiya na naman ang gobyerno na bawal magmina, makakaapekto umano ito ng malaki sa mga kumpanya ng minahan kaya sila tumututol sa naturang moratorium.
Ayon naman sa katutubong si Juhaldi C. Titte, Presidente ng IPDO Bicamm, Inc. mula sa bayan ng Ipilan, Brooke’s Point, malaki umano ang pinagbago ng kanilang buhay simula nang dumating sa kanilang komunidad ang Ipilan Mining Corporation.
Dahil sa minahan, napag-aral ng mga katutubo ang kanilang mga anak at nakapasok pa ang mga ito sa kolehiyo lalo na sa panahon ng pagkakasakit.
“Naibigay ang aming Royalty share na nagkakahalaga ng P74 milyon, naka-allocate po ‘yon sa iba’t ibang project katulad ng health imprastraktura, livelihood at socioeconomic,” ayon kay Titte.
“Sa ngayon po nasa 2,400 ‘yung mga estudyanteng nabigyan ng educational assistance, kung titignan po natin marami rin pong mga magulang na natutulungan mga tatay at nanay at sobra 250 ang mga senior citizens na nabigyan ng tulong po.
“Aniya, napakalaking epekto sa kanilang mga katutubo kung matutuloy ang nasabing pag-ban sa pagmimina, dahil dito lang sila umaasa sa pamamagitan ng natatanggap na royalty share.
Sinabi rin ni Titser Kaye, isang katutubong guro mula Berong Elementary School na nakapagtapos sa pamamagitan ng scholarship ng Berong Nickel Corporation (BNC), malaki ang naitutulong ng nabanggit ng minahan sa kanilang lugar.
Aniya, dahil dito nakapagtapos siya ng pag-aaral at naging isang ganap na guro.
“Sa amin sa Berong noon talagang dadaan ka sa butas ng karayom noon kung gusto mong makamartsa ka ng college, kasi napaka-imposible po iyon sa amin”, wika ni Titser Kaye.
“I am sharing all of these base on my personal experiences and observation as a Berong resident since birth, taga-doon po ako, taga-doon po ang magulang ko, doon ako pinagbuntis, pinanganak, nag-elementarya po. Actually, I will be forever thankful and grateful to Berong Nickel Corporation as one of their scholar before,” pagbibigay-diin niya.
Ayon sa nasabing guro, dahil sa BNC nabuksan ang Alternative Learning System (ALS) sa Berong, Quezon, maliban dito ay nagkaloob din ang minahan ng limang daycare centers sa lugar, mga libreng gamit sa eskwelahan, school building generator, repair and construction materials, mga libro at library sa Berong Elementary School, pagpi-finance ng mga worskshop at seminars at marami pang iba.
Sa huli, hinihiling ng mga katutubong pabor sa pagmimina na tuluy-tuloy ang pagmimina sa kanilang komunidad.
Nitong Pebrero 19 din isinagawa ang ikatlong pagdinig sa nasabing usapin sa gusali ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.