Binisita ng mga delegates ng 2nd ASEAN Regional Correctional Conference (ARCC) ang Iwahig Prison and Penal Farm (IPPF) nitong ika-17 ng Pebrero.
Nagkaroon ng personal na karanasan sa progresibong diskarte ng Pilipinas sa rehabilitasyon at reintegrasyon ng mga bilanggo ang mga delegado ng Asean.
Naobserbahan din ng mga delegado ang mga Persons Deprive of Liberty (PDL) na nagpapakita ng kanilang mga kasanayan sa woodworking, weaving, at iba pang mga skills, na nagbibigay-diin sa pagtuon sa rehabilitasyon sa pamamagitan ng bokasyonal na pagsasanay.
Kasama sa tour ang pagbisita sa Barrio Libertad, isang natatanging komunidad sa loob ng bilangguan kung saan ang mga PDL na malapit nang makalaya ay nakatira kasama ng kanilang mga pamilya, na nagsusulong ng mas maayos na paglipat-pabalik sa lipunan.
Ayon sa BuCor, ang pagbisita ay umaayon sa mga pangunahing layunin ng ARCC sa pagtugon sa jail congestion, rehabilitasyon, muling pagsasama, at seguridad sa bilangguan.
Bilang kauna-unahang international correctional conference na ginanap sa Pilipinas, ang ARCC ay nagkakaloob ng plataporma para sa mga ASEAN Member States at mga internasyonal na stakeholder na magbahagi ng pinakamahuhusay na kasanayan at palakasin ang rehiyonal na pakikipagtulungan sa reporma sa bilangguan.
Samantala, ang kaganapan ay dinaluhan ng mga kilalang personalidad na sina Palawan Gov. Dennis M. Socrates, BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., kasama ang iba’t ibang delegado ng 2nd ASEAN Regional Correctional Conference (ARCC). | via Vivian Bautista Photo courtesy: BuCor