PUERTO PRINCESA CITY — Kinondena ng Estados Unidos ang agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea dahil sa kamakailang harassment ng Chinese helicopter laban sa isang Philippine aircraft na nagsasagawa ng routine overflight malapit sa Scarborough Reef.
“Unsafe and irresponsible actions,” iyan ang pagbibigay-diin ni Tammy Bruce, tagapagsalita ng U.S. Department of State.
Iginiit ni Bruce na delikado ang lumapit sa eroplano ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kung saan nagdudulot ng matinding panganib sa kaligtasan ng sasakyan at mga tripulanteng lulan nito.
Iginiit din ng Estados Unidos na kaparehong inilagay sa panganib ng bansang Tsina ang isang sasakyang panghimpapawid ng bansang Australia na nagsasagawa ng isang regular maritime patrol sa West Philippine Sea nitong nakaipas na Pebrero 11.
Ayon sa Embahada, ang mga aksyon ng China ay nagdudulot ng banta sa pag-navigate at overflight sa West Philippine Sea.
Muling pinagtibay ng Estados Unidos na ang pangako nitong suportahan ang mga kaalyado at ka-partner nito sa rehiyon upang matiyak ang isang “malaya at bukas na Indo-Pacific.”
Nanawagan din ang U.S. sa China na umiwas sa mga hindi magandang aksyon at lutasin ang mga hindi pagkakaunawaan alinsunod sa internasyonal na batas.
Batay sa 1951 United States-Philippines Mutual Defense Treaty, susuportahan ng Estados Unidos ang mga kaalyadong bansa laban sa mga armadong pag-atake sa mga military bases, pampublikong sasakyang panghimpapawid, o sasakyang panghimpapawid ng Pilipinas, kabilang ang mga Coast Guard nito, saanman sa WPS.
Samantala, naninindigan ang United States kasama ang Pilipinas upang kondenahin ang hindi ligtas at iresponsableng aksyon ng Chinese People’s Liberation Army-Navy (PLAN) para panghimasukan ang isang maritime air operation ng Pilipinas sa paligid ng Scarborough Reef.