Photo courtesy | Samuel Macmac

ISINUSULONG sa Sangguniang Panlalawigan ang panukala ng pagsasailalim ng lalawigan ng Palawan sa state of calamity para matulungan ang maraming Palawenyong naapektuhan ang mga tirahan at kabuhayan dahil sa nangyaring malawakang pagbaha kamakailan.

Mula kay Board Member Board Jun Ortega ang panukala na sinusugan naman ni Member Ariston D. Arzaga ang kahilingan para sa deklarasyon ng state of calamity na kung saan natuklasan sa kanyang pag-iikot sa mga apektadong munisipalidad na maraming Palawenyo ang naapektuhan ang kanilang mga pananim at livestock.

“Sana makita ng pamunuan ang matagal nang kahirapan na nangyayari sa ating mga magsasaka at mangingisda,” ani Arzaga.

Tinuran naman ni Board Member Ryan D. Maminta na magsisilbing batayan ang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) para sa magiging desisyon sa ipinapanukalang deklarasyon na kung saan hinihintay pa ang resulta ng rekomendasyon mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Sa pamamagitan ng RDANA, mabilis malalaman ang lawak ng pinsala at mga pangangailangan ng mga apektadong lugar pagkatapos ng isang sakuna o kalamidad, na magbibigay ng basehan para sa deklarasyon.

Matatandaan, nauna nang nagdeklara ang mga munisipyo ng Aborlan, Brooke’s Point at Narra ng kani-kanilang state of calamity para makapaghatid ng agarang tulong sa mga apektadong residente.

Samantala, iginiit naman ni Board Member Al-Nashier M. Ibba na tila may kabagalan ang aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan patungkol sa bagay na ito na kung saan dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang maranasan ang malawakang pagbaha.

“May tatlong munisipyo nang nag-declare ng state of calamity nakaraang linggo, bakit parang mabagal ang aksyong ginagawa ng ating Pamahalaang Panlalawigan considering na ayon sa report naman na libu-libo ang naapektuhan. May inisyal na tulong naman coming from PSWDO pero hindi nabigyan lahat. Ako personally, umikot din tayo at may nakaka-usap din tayo na talagang hindi nabigyan.”

Author