INAASAHANG lilipad ang cast ng Saving Grace Series mula Maynila patungong lungsod ng Puerto Princesa para muling surpresahin at pasayahin ang kanilang mga fans.
Pinag-uusapan ngayon ng mga fans ang pagbabalik muli sa lungsod ng cast ng Saving Grace Series na pinagbibidahan nina Sam Milby, Julia Montes, at Zia Grace upang magsagawa ng show sa mga malls ng lungsod ngunit wala pang impormasyon kung kailan ito matutuloy.
Naging matagumpay ang Saving Grace Series matapos maging number 1 show sa Prime Video na nagsimulang umere ang pilot episode nito noong November 28, 2024 na kung saan ilan sa mga eksena sa nasabing serye ang kinunan pa sa iba’t ibang kilalang lokasyon sa lungsod.
Nag-taping sina Sam Milby, Julia Montes, at Zia Grace sa Philippine Ports Authority (PPA), Puerto Princesa International Airport (PPIA), Puerto Princesa City Baywalk, Balayong People’s Park partikular sa Rotonda, Honda Bay, Starfish Island, Luli Island, at Cowrie Island.
Kuha sa nasabing airport ang tagpo ng pagdating ni Sam Milby na gumanap bilang Julius upang hanapin ang kanyang ex-fiancée na si Anna na pinagbibidahan ni Julia Montes.
Kinunan naman sa pier ang pagdating nina Anna at ng kaniyang rescued student na si Grace na pinagbibidahan naman ni Zia Grace upang ilayo mula sa pagmamalupit ng kanyang ina.
Ang pier at airport ang nagsilbing turning point para sa nabanggit na mga karakter na kung saan hometown ni Anna ang Puerto Princesa.
Isa ang Saving Grace Series sa mga nai-produce ng Abs-Cbn network at Dreamscape Entertainment na kung saan ilan sa mga ipinagmamalaking nai-produce ang FPJ’s Batang Quiapo, Linlang, The Broken Marriage Vow, at Dirty Linen.