PUERTO PRINCESA CITY — BUMUWELTA si Palawan 2nd District Congressman Jose Ch. Alvarez ukol sa usapin ng mining moratorium sa lalawigan at mga isyung ibinabato sa kaniya ng kampo ni Gobernador Dennis M. Socrates matapos nitong magpatawag ng isang press conference sa mga lokal na midya na isinagawa sa gusali ng Sangguniang Panlalawigan nitong Pebrero 26, 2025.
Ayon sa kongresista, wala umanong katotohanan na pabor siya sa mga minahan sa lalawigan partikular na sa bahaging sur ng Palawan.
Humarap ang kongresista sa nakaraang commitee hearing nitong araw ng Miyerkules upang ipakita ang kaniyang buong suporta sa pagsusulong ng nasabing ordinansa.
Aniya, pabor siya sa 50-year o hanggang isandaang (100) taong mining moratorium upang matigil ang mga operasyon ng malalaki at maliliit na minahan sa lalawigan para umano makabangong muli ang nasirang kalikasan ng Palawan.
May banat din siya sa kasalukuyang Gobernador na si Dennis Socrates na kaniyang itinuturong nasa likod ng paninira sa kaniya at kaniyang partido.
“Nandoon kami sa mga barangay; sa lahat naman ng mga barangay na pinuntahan namin nandiyan ang mga Board Members sinasabi ko ito si Governor Socrates mabait ito hindi magnanakaw, kaya nga nagkampanya ako very hard to put him here in office walang nakawan d’yan sa kapitolyo, ‘di ba?
Ngunit nagkulang siya [r]oon sa mga ospital, pinabayaan niya; nabulok ang ospital, mga hospital health workers inaaway niya lalo na mga Chief of hospitals, nademanda siya ngayon mabuti ‘yong tatlo naagapan nila siguro mayroon silang kinausap doon sa Maynila na-dismiss,” ani Alvarez.
Sinabi rin niya ang mga isyu sa mga dating iskolar ng kapitolyo na kasalukuyang nagseserbisyo sa mga ospital ng pamahalaan na hindi pa umano napapaswelduhan. Aniya, ang mga nurses, midwives, medtech, at mga doktor na nagseserbisyo ng lima hanggang anim na buwan na nagiging dahilan ng pag-alis ng mga ito mula sa kanilang serbisyo.
“In other words, wala na akong respeto, siya ang kinampanya ko dahil alam kong hindi magnanakaw, mabait, maka-diyos, ngunit pagtulong sa mahihirap, wala.
Pinabayaan ang mga project tubig, kalsada, rescue 165, pinabayaan lahat ‘yan. Basta lahat ng project ko ang advice sa kaniya huwag mong pondohan ‘yan kasi hindi mo legacy ‘yan, mga ospital mga bulok ‘yan. Desi-sais ‘yan; pera ng national government ‘yan,” pagbibigay-diin ni Alvarez.
Nakarating din umano sa kongresista na pilit ikinakabit sa kaniyang pangalan na pagmamay-ari niya ang mga minahan sa lalawigan, bagay na pinabulaanan nito.
Aniya pa, iniwan niya ang kapitolyo na mayroong kabuuang P5.5 bilyong ipon na pagkalipas ng dalawang taon ay umabot na sa P8-billion, kaya’t kinukwestiyon niya ang pangungutang ng kapitolyo ng 2-bilyong piso gayong mayroon naman itong nakatagong savings.
“Hindi lang ako heartbroken but I’m so much dismayed and disgusted, na itong pinanalo kong Governor ay hindi marunong tumulong sa mahirap,” pahayag ni Alvarez.
Sinabi rin ng kongresista na walang halong pamumulitika ang kaniyang mga isiniwalat sa publiko dahil ang ilan sa kaniyang mga tinuran ay mula aniya sa mga hinaing ng mga mamamayan ng bawat barangay na kaniyang binisita, kamakailan.
Ayon pa kay Alvarez, hindi rin humaharap si Socrates sa mga taong may appointment sa kaniyang opisina kahit pa barangay official ito o mayor ng mga munisipyo, bagay na hindi niya nagustuhan.
“‘Yong isyu na pro-mining kami nanggagaling sa kanila ‘yan sa lahat ng mga meeting ko sa barangay sabi ko hindi ako pro, hindi ako anti; taumbayan ang dapat mag-deside, taga-Bataraza hindi tayo. Kung makikinabang sila [r]iyan, sila pangalagaan nila ang environment,” saad pa ni Alvarez.