Ni Vivian R. Bautista
NARAMDAMAN ng rehiyon ng 4B ang epektong hatid ng Southwest Monsoon (SWM) sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan at pagbugso ng hangin partikular na sa mga lalawigan ng Occidental Mindoro at Palawan.
Simula ika-22 ng buwan ng Hulyo, pinagana ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) MIMAROPA Region ang kanilang Quick Response Team (QRT) upang subaybayan ang lagay ng panahon at magsumite ng real-time situational report kaugnay sa posibleng epekto ng SWM na pinalakas ng Super Typhoon “Egay.”
Batay sa weather update at forecast ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang rehiyon ng MIMAROPA ay hindi kabilang sa tatamaaan ng bagyong Egay, gayunpaman ang rehiyon ay nakaranas ng mahina hanggang sa katamtaman at malakas na pagbuhos ng ulan dala ng #BagyongEgayPH.
Bago pa man mmanalasa ang bagyo sa bansa, una nang nagpaalaala ang pamunuan ng Region 4B Regional Disaster Risk Reduction Management Council o RDRRMC sa mga Local Government Units (LGUs) kaugnay sa hakbang sa paghahanda, pagsagawa ng pre-emptive evacuation at pag-activate ng Camp Coordination, at Camp Management bago ang paglikas ng mga apektadong pamilya at indibidwal sa rehiyon.
Batay sa pinakahuling ulat ng Disaster Response Management and Information Center (DROMIC) sa kabuuang apat (4) na probinsya, labintatlong (13) LGUs ang naapektuhan ng SWM na nagresulta sa pag-activate ng apatnapu’t isang (41) Evacuation Centers (EC) mula sa apatnapu’t apat (44) na barangay upang ma-accommodate ang nasa mahigit isanlibo’t tatlundaang (1,363) mga lumikas na pamilya na katumbas ng 5,348 bilang ng mga indibidwal.
Nagkaloob naman ng mainit na pagkain ang mga Lokal na Pamahalaan para sa mga evacuees upang masuportahan ang kanilang agarang pangangailangan.
Patuloy naman ang ginagawang koordinasyon ng DSWD MIMAROPA sa mga kinauukulang Local Social Welfare and Development Office (LSWDO) kaugnay sa resulta ng mga aktibidad ng aktwal na bilang ng mga naapektuhang pamilya at ang kanilang kasalukuyang sitwasyon bilang batayan para sa pagbibigay ng interbensyon, ayon sa ibinahaging ulat ng ahensya.
Sa kasalukuyan, ang naturang kagawaran ay may sapat pang suplay upang suportahan ang mga pangangailangan ng mga apektadong populasyon.
Samantala, ang DSWD 4B sa pakikipag-ugnayan sa Social Welfare Action and Development Team (SWADT) Occidental Mindoro ay namahagi na ng Family Food Packs sa bayan ng Sablayan habang sabay-sabay na nangangasiwa at naghahanda para sa pamamahagi ng mga produkto sa iba pang apektadong komunidad, pamilya at indibidwal sa mga nabanggit na probinsya.