PUERTO PRINCESA CITY — Upang bigyang-linaw ang mga problemang kinakaharap ng mga mag-aaral sa kolehiyo at mga unibersidad sa lalawigan, tinalakay nitong Mayo 22, 2024 sa ginanap na ika-94 regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan ang mga isyu patungkol dito.
Humarap sa plenaryo ang mga kinatawan ng Palawan State University (PSU) na sina University President Dr. Ramon M. Docto, Vice-President for Academic Affairs Dr. Maila N. Lucero at iba pa upang sagutin ang mga isyung ipinupukol sa nasabing Unibersidad.
Ayon sa privilege speech ni Board Member Ryan Maminta, mayroong problema sa access hindi lamang sa Palawan State University kundi pati narin sa ibang Universities and Colleges sa buong bansa. Aniya, out of 15,000 examinees ay nasa tatlunlibong (3,000) estudyante lang umano ang pupwedeng makapag-access sa tertiary education na ipinagkakaloob ng naturang Unibersidad na taliwas umano sa konstitusyon ng Pilipinas sa charter ng PSU at maging sa integration law ng external campuses sa sistema ng nasabing paaralan.
“Buong Pilipinas po ito no’ng nagkaroon tayo ng batas ng free higher education (FHE), nong nagkaroon ng free higher education nong una ay nagkaroon pa tayo ng mga estudyante na magbabayad, ‘di ba? so kahit sino magbayad pero kung ano lang ang ibinibigay na budget ng National Government ‘yun lang po ang pagkakasyahin ng school pero ngayon we still have 31,000 students sa buong PSU,” ani PalSU President Docto.
“Mr. President kung ang problema natin ay Free Higher Education sa tingin ko ay mali yung interpretasyon natin at tayo hindi natin ini-exercise ‘yung ating charter effectively hindi natin ini-empower yung external campuses to the point of accepting or mandating open access kung ang dahilan natin ay yung free higher education, nasa free higher education na puwedeng mag-off out eh,” ani BM Maminta.
“Ako po emotional kasi because iyon lamang yung tanging resort ng mga Palawenyos eh ung State University Collegies, kapag pinapunta niyo po ito sa mga private institutions ay walang mangyayari kasi hindi po sila makakapasok,” dagdag pa ni Maminta.
Tinuran naman ni VP for Academic Affairs Dr. Maila N. Lucero na mayroong labimpitong (17) Campuses ang PalSU at labing anim (16) dito ay matatagpuan sa mga munisipalidad ng Palawan.
“We can only cater about 25,388 vs our enrollment of 32,000 in first semester in 2022-2023 hindi na po binayaran ni Gobyerno yung mahigit P16-million kay PSU the same with the next semester the same with 2022-2023 we have P3-million plus, during summer of 2022-2023 we have P1.5-million na hindi na po kinover ni Free Higher Education. Last per semester ang hindi po kinover is about P52-million plus and for this semester hindi pa po nababayaran ni gobyerno iyong P167-million plus, where we still have an about P241-million plus na hindi pa po nasesettle ni government,” ayon kay Dr. Lucero habang ipinapakita ang kanilang datos sa plenaryo.
Ayon pa kay Lucero, nakakatanggap umano ng subsidy mula sa lokal na Pamahalaan ang nasabing Unibersidad gaya na lamang ng sa “San Rafael Campus na mayroong tatlong (3) milyong piso, sa Araceli hindi po pinapasok sa PSU but they giving subsidy in terms of payroll ng ilang empleyado si Dumaran, Roxas, San Vicente meron ho, Coron hindi din po pumapasok but they gave us through payroll , El Nido, Linapacan, Taytay meron, si Narra po they giving us pero that’s through payroll also some of the faculty and staff, Quezon, Rizal meron, Balabac Bataraza and Brooke’s Point wala po but I know they’re giving us in kind in infrastructures, building atbp, Sof. Española mayroon din pong binibigay.”
Samantala, mayroon namang nakikitang solusyon ang mga opisyal ng Unibersidad na kinakailangan umanong magkaroon ng subsidy para sa mga sumusunod: Scholarship for students (1st- 4th year), Building and Infrastructure, Personnel services for faculty and staff, at Legislative advocacy Support: To aid in lobbying to Congress to increase the Free Higher Education (FHE) allotment for PSU.
Kaugnay nito, nakatakda namang imbitahan sa susunod na pagdinig ang mga kinatawan ng Western Philippines University (WPU).