Photo courtesy | Repetek News
Kabilang sa mga inilatag na plano ng City Traffic Management Office (CTMO) sa lokal na midya ang upgrading ng mga traffic lights sa Puerto Princesa City.
Ayon kay Traffic Operations Officer Allan Mabella, manu-mano pa rin ang sistema ng street lights sa lungsod hanggang sa ngayon. At upang episyenteng pamahalaan ang daloy ng trapiko, target ng kanilang opisina na gumamit ng Artificial Intelligence o AI sa mga traffic lights.
“Nag-i-aim kami to upgrade ang aming traffic light sa AI system kasi ‘yung traffic light natin dito manu-mano sa ngayon. Paano nasi-send ‘yung number ng countdown timer, manu-manong binibilang, nagkakaroon ng traffic count na pagda-data base, so manu-manung kino-compute.
‘Pag pumasok na tayo [r]ito sa upgrading ng ating traffic light into AI System [mayroon] na pong mga cameras ‘yan, [mayroon] na pong mga sensors ‘yan, sila na po mismo ang magbibilang ng mga dumadaan, anong klaseng mga sasakyan ‘yan, anong classification niyan. Sila po na po ‘yung magko-compute,” paliwanag ni Mabella.
Kinumpirma rin nito na mayroon nang apat (4) na kontraktor ang nagsumite ng kani-kanilang proposals sa CTMO kaugnay sa AI-powered traffic lights.
“Sa ngayon po apat po ‘yung contractors na nag-submit ng proposal sa opisina ni Sir [Richard Ligad, CTMO Chief]. May Chinese, Korean at Local [contractors],” dagdag pa ng opisyal.
Aniya pa, pinag-aaralan na rin ng kanilang opisina ang mga naisumiteng proposals ng mga kontraktor kung alin dito ang maaaring i-adapt sa sistema ng traffic lights sa siyudad.