PALAWAN, Philippines — Para sa lalong ikauunlad ng turismo sa lalawigan ng Palawan at lungsod ng Puerto Princesa, kasama sa prayoridad ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang development ng airport sa lungsod at Pag-asa Island.
“Kasama rin syempre sa ating prayoridad ang pagpapalago ng turismo sa inyong lalawigan at sa pagpapabuti pa ng daloy ng transportasyon dito. Ito’y gagawin natin sa pamamagitan ng Puerto Princesa Airport Development Project at Pag-Asa Airport Development Project,” pahayag ng pangulo sa kaniyang pagbisita sa siyudad nito lamang Hulyo 18 para sa pamamahagi ng financial assistance sa mga magsasaka’t mangingisda sa Palawan na lubos na naapektuhan ng El Niño.
Ayon pa sa pangulo, ang proyektong military runway sa Balabac, Palawan, ay malapit na rin matapos. “Nasa huling bahagi nalang ang paggawa natin ng Balabac Military runway lalo na’t malaki ang papel na gagampanan ng Palawan sa pambansang seguridad.”
Samantala, sa pamamagitan ng opisina ni Speaker Martin Romualdez, napondohan ang ilang mga pang-imprastrakturang proyekto sa isla ng Pag-asa.
Sa hiwalay na panayam kay Karl “Koko” Fernandez Legazpi, Chief of Staff ng First at Third District Caretaker Office ng Palawan, kabilang dito ang extension ng runway sa Pag-asa airport at Shelter port sa Lawak Island.
“Dapat groundbreaking na kami nu’ng Independence Day [r]oon sa Pag-asa, hindi po natuloy [kasi] ako lang at si [Provincial Information Officer Atty. Christian Jay Cojamco] ang natuloy [roon] sa isla pero dapat po pupunta sana si Speaker (Romualdez) at saka si Gob. (Socrates) pati [si] Sec. Bautista para sa runway, ‘di lang natuloy pero for implementation na ‘yung funding for that airport.
Yung problema lang po [yata] sa Lawak, itatayo nila [r]oon ay shelter port nahirapan lang kasi may mga humaharang na chinese vessels pero for implementation na rin. Ang original na plano ay gagawa ng airport pero dahil bird sanctuary — hindi po siya viable magkaroon ng airport kaya shelter port n lang ang itatayo kasama po ang coast guard yun po ang project nila dyan,” ayon kay Legazpi.
City Mayor’s Office of Puerto Princesa