Photo Courtesy | Repetek Team

PUERTO PRINCESA CITY — Upang mabilisang matugunan ang mga human rights violation sa hanay ng mga mamamahayag, ang Commission on Human Rights o CHR ay naglunsad ng isang alert mechanism, ang Alisto.

Sa isinagawang Human Rights Action Center (HRAC) Summit sa lungsod ng Puerto Princesa nito lamang ika-22 ng Mayo na personal na dinaluhan ni CHR Chairperson Atty. Richard P. Palpal-latoc, sinabi ng opisyal na buwan ng Enero ngayong taon pormal na inilunsad ang Alisto.

Aniya, ang hakbang na ito ay inisyatibo ng CHR bilang suporta sa Philippine Plan of Action on the Safety of the Journalist (PPASJ).

“Alisto is the initiative of the CHR para ma-address ang issues on violations on the rights on media.

Bilang independent body, para mayroon kaming sariling aksyon doon sa mga paglabag sa mga media personnels,” ayon sa opisyal.

Binigyang-diin din nito na tanging mga mamamahayag at mga kawani ng CHR lamang ang makakapasok sa naturang alert mechanism.

Nakasaad sa community guidelines ng Alisto ang Respectful Communication, Factual Reporting, Non- Retaliation Policy, Legal and Ethical Compliance at Confidentiality; ang sinuman ang lalabag sa mga nabanggit na alituntunin ay agarang tatanggalin sa grupo.