PALAWAN, Philippines – Ang noo’y dalawanlibong (2,000) pisong allowance na natatanggap ng mga rehistradong senior citizen, person with disability (PWD), at solo parents sa lungsod ng Puerto Princesa ay itataas na sa tatlong libong (3,000) piso, ito ang kinumpirma ni Punong Lungsod Lucilo Bayron nitong Disyembre 1.
Aniya, mula sa P2,000 allowance ng mga nabanggit na indibidwal, ito ay magiging tatlong libo na kanilang matatanggap sa kada kwarter ng taon.
“Kanina, nasabi ko P2,000 per quarter –
this time, it will be three thousand per quarter for senior citizens, person with disability, and solo parents,” ang naging pahayag ni Mayor Bayron.
Sa ulat ng Alkalde, mula Enero hanggang Nobyembre 2023, mayroong 204 milyong budget ang senior citizens assistance program kung saan napagkalooban ng P2,000 kada kwarter ng taon ang nasa 26,823 senior citizens sa lungsod.
Ani Bayron, 80 milyon naman ang budget para sa 8,800 PWD beneficiaries at 16 milyon naman ang pondo para sa pagbibigay ng allowance sa nasa 3,082 benepisyaryong solo parent sa Puerto Princesa.