Ni Van Marck Botin
BASAG ang wind shield ng ambulansiya ng Sofronio Española District Hospital matapos batuhin sa Barangay Barong-Barong sa bayan ng Brooke’s Point, Palawan, alas-onse ng gabi, Martes, ika-29 ng Agosto.
Sa Facebook post, nanawagan si Gerginda Baclao sa kinauukulan na bigyang-pansin ang insidente ng pambabato sa pampublikong sasakyan sa nabanggit na bayan.
Aniya, walang pakundangang nambato ang salarin pati ambulansiya ay hindi pinalampas nito.
“Public Service po ang ginagawa ng ating ambulance pero ‘di pinalampas ng mga [taga-Pintasan], Brgy. Barong-Barong, Brooke’s Point. Transfer Patient po ang dinala ng ambulance na ito from Sofronio Española District Hospital to Sagrado Hospital,” ani Baclao.
“Pauwi na sila nang biglang batuhin ang Ambulance na ito at ang naging resulta ay nabasag ang salamin na malapit sa driver seat,” dagdag nito.
“Grabe kayo, paano kung pagbato niyo may dala palang pasyente? Paano kung mas malalang disgrasya pa ang nangyari dahil sa ginawa ng mga tao na ito? Kawawa ang driver dahil siya ang may responsibilidad sa sasakyan at sa buhay ng mga dala niya. Sana maaksyunan ‘to ng mga kinauukulan ng bayan ng Brooke’s Point,” panawagan ni Baclao.