Puerto Princesa City, Philippines — Pinangunahan nina dating Bise Presidente Atty. Ma. Leonor “Leni” Robredo, Chairperson at President ng Angat Pinas Inc. at Ginoong Senen L. Matoto, President ng Rotary Club of Makati, ang ribbon cutting ceremony upang pormal nang i-turnover sa Palawan State University (PalwanSU) ang Angat Buhay Dormitory for Girls nitong Lunes, Hunyo 24.
Ang proyekto ay pinondohan ng Rotary Club of Makati sa pakikipagtulungan nito sa grupo ng Angat Buhay. Ito rin ang ikaapat na collaborative project ng dalawang organisasyon at ika-14 dormitory na naitayo sa bansa.
Sa kaganapan, inihayag ni Robredo na ang pagsisikap ng Angat Buhay Pinas ay nagsimula pa noong siya’y nanunungkulan bilang Bise Presidente ng bansa. Aniya, ang kanilang proyekto ay nakatuon sa pagtugon sa mga panlipunang suliranin gaya ng kahirapan.
Ayon kay Robredo, malaking balakid sa mga estudyante ang distansiya ng eskwelahan kaya’t aniya mataas ang drop rates sa mga high students sa Pilipinas.
Ayon pa sa dating opisyal, nakikitang solusyon ng kanilang opisina ang pagkakaroon ng dormitory na matulungan ang mga estudyante na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.