Ni Ven Marck Botin
SA kopyang natanggap ng
Repetek News
Team na may petsang ika-21 ng Hunyo, pansamantalang isasara ng lokal na pamahalaan ng bayan ng El Nido ang mga establisyementong kinabibilanganan ng Lihim Resort, Novies Tourist Inn, Blue Mango Hotel and Restaurant, at St. John Island View Pensionne, dahil sa paglabag sa “Code on Sanitation of the Philippines”.Ayon sa kautusang may numerong 23-058, 23-059, 23-060, 23-063, mababasa rito ang pansamantalang pagsasara o pagtigil ng operasyon ng mga nabanggit na establisyemento hanggang sa masaayos ng mga ito ang naturang palabag.
Sa unang bahagi ng kautusan, napaloob dito ang seksiyon 3A.01 ng Municipal Ordinance 069 o mas kilalang “2019 Revised Municipal Revenue Code of El Nido, Palawan” na ang lahat ng mga nagnanais na magnegosyo sa nabanggit na bayan ay kailangang kumuha ng kaukulang Mayor’s Permit para sa legal na operasyon ng pagnenegosyo.
Sa kautusan, mababasang inirekomenda ng Sanitation Officer ng bayan ng El Nido ang “temporary closure of the operations” ng apat na gusali matapos makitaan ng kakulangan o paglabag sa “standard parameters for Faecal Coliform” na itinakda ng Philippine National Standards for Drinking Water (PNSDW).
Ang nasabing parameters ay para sa “Development of Drinking Water Sources as mandated under [Presidential Decree] PD No. 856,” sa ilalim ng “Code on Sanitation of the Philippines”.
Ayon din sa kautusan, sa kabila nang ibinigay na mahabang pagkakataon upang isaayos ang kanilang ‘water sources’, positibo pa rin ito sa faecal coliform, kaya’t nitong ika-02 ng Hunyo, tuluyan nang inirekomenda ng Sanitation Officer ang pansamantalang pagsasara ng mga gusaling nabanggit.
Ang nasabing kautusan ay pirmado ng alkalde ng bayan ng El Nido, Palawan, na may petsang ika-20 ng Hunyo.
Sa ngayon, kinakalap pa rin ng
Repetek News
Team ang magiging tugon ng mga may-ari ng mga gusaling nabanggit.