Ni Ven Marck Botin
MATAGUMPAY ang isinagawang aplikasyon at renewal ng lisensya sa unang araw ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF) Caravan na ginanap sa convention center ng Provincial Government ng Palawan (PGP) nitong ika-11 ng Setyembre.
Ayon sa ulat ng Provincial Information Office (PIO), nasa 155 mga indibidwal ang nagproseso ng kanilang mga lisensya sa pag-aari o pagdadala ng mga baril.
Ayon sa ulat, labing-apat (14) ang nakapagproseso sa mga miyembro ng Philippine National Police (PNP); Tatlumpu’t walo (38) naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Jail Management (BJMP), at Bureau of Correction (BUCOR); sampu (10) naman mula sa mga sibilyan; dalawampu’t apat (24) mula sa sektor ng mga Senior Citizens; apatnapu (40) sa mga empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan; at dalawampu’t siyam (29) naman ang mula sa mga munisipyo.
Ang LTOPF Caravan ay bukas sa publiko mula ika-11 hanggang ika-15 ng Setyembre kung saan mula ika-11 hanggang ika-13 ay naka-iskedyul sa mga emplyado ng Provincial Government ng Palawan habang ika-14 hanggang ika-15 naman para sa mga gun enthusiast mula mula sa lungsod ng Puerto Princesa.
Para sa mga bagong aplikasyon, kinakailangan ang mga sumusunod na dokumento: Application Form, Affidavit of Undertaking, 1 Valid ID, Proof of Income, Proof of Billing, NSO Birth Certificate, Neuro, Drugtest, at Gun Safety Seminar Certificate habang sa renewal naman ay kinakailangang isumite ang Application Form, Affidavit of Undertaking, 1 Valid ID, Neuro at Drugtest.